P5.5-B PEKENG PRODUKTO, P500-M IMPORTED CIGARETTES NADISKUBRE

GINALUGAD ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) at Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang mga bodega sa Meycauayan sa Bulacan na iniulat na pinagtataguan ng imported goods na hindi nagbabayad ng tamang buwis at taripa.

Alinsunod sa Letter of Authority (LOA), ang CIIS-MICP agents kasama ang Enforcement and Security Service-MICP operatives, mga kinatawan ng Bureau Action Team Against Smugglers, Philippine Coast Guard-Task Force Aduana, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bulacan Police Provincial Office at barangay officials ay nagtungo sa lugar upang inspeksyunin ang nasabing mga bodega.

Sa isinagawang operasyon, natagpuan sa mga bodega ang nakaimbak na imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng P500 milyon at P5.5 bilyong halaga ng pekeng produkto (gadgets, devices, garments, at iba pa).

Matapos matuklasan ang naturang mga imported na produkto, pansamantalang isinara ang mga bodegang ito.

Binigyan naman ang mga warehouse owner ng 15 araw mula sa pagsisilbi ng LOA para magsumite ng mga dokumentong nagpapatunay na binayaran ang buwis at taripa ng naturang imported goods, ayon sa Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). RUBEN FUENTES