IBINUNYAG ng isang opisyal ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) na simula nang ipatupad ng pamahalaan ang bawas-taripa sa imported na bigas noong Hulyo ay nalugi na ang pamahalaan ng P5.6 bilyon.
“Base sa BOC (Bureau of Customs), ang naipasok na po (imported rice) ay almost 800 metric tons na since July. Ang lugi sa gobyerno is almost P5.6 bilyon mula ng July lang ito. Kasi 15 % tariff ‘yun e. At hindi pa rin natitikman ang murang bigas ng mga namimili. At ‘yung P5.6 bilyon na ikinalugi ng gobyerno sa mababang taripa napunta sa importers ng bigas,” sabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, sa isang radio interview noong Sabado.
Ayon kay Cainglet, mali ang naging desisyon ng pamahalaan sa pagpapababa ng taripa kung kaya sa simula pa lamang ay tinutulan na ng mga nasa sektor ng agrikultura ang pagpapatupad ng Executive Order No. 62 na nagpababa ng taripa sa imported rice ng 15% mula sa dating 35%. Aniya, nabigo rin ito sa layunin nito na pababain sa mga pamilihan ang presyo ng bigas ng hanggang P41 hanggang P44 kada kilo man lamang kahit well milled rice.
“Mali ang gobyerno. Kasi experience po natin ‘pag ibinaba ang in-export ng imported na presyo ng bigas sa Vietnam. Pero, fortunately hindi gaano kalaki ang itinaas nila. Siguro $10-$20. Pero pagdating dito sa Pilipinas na mga imported na bigas sa kuwenta natin sa July o sabihin na nating August bumaba na siya ng P42-P44, dapat ‘yun na po ang ibebenta niya sa palengke kasi ibig sabihin kumita na lahat diyan.’Yung na house niya. Nabiyahe niya. ‘Yung kanyang logistics cost, even ‘yung bayad sa insurance, dapat po P41, P43, P44 may ganyan na tayong presyo ng bigas sa mga ordinaryong palengke. Well milled.Kung regular nga dapat may P39 e, pero wala pa rin e,” sabi ni Cainglet.
Ito ay dahil inihahalo pa rin, aniya, ng ilang traders ang imported na bigas sa mga local rice na ngayon ay wala na ring nakaimbak. Katuwiran, anya, ng Department of Agriculture (DA), kaya mataas pa rin ang presyo ng bigas sa merkado ay dahil ito ang old stocks ng imported na bigas.
Pagdating, aniya, ng Nobyembre hanggang Enero ay asahan na rin ng publiko na talagang bababa na ang presyo ng bigas, hindi dahil sa epekto ng pinababang taripa kundi dahil ito na talaga ang panahon ng anihan ng mga lokal na magsasaka.
Isiniwalat din ni Cainglet na sa huli nilang pakikipag-usap sa pamahalaan, humiling ang National Economic Development Authority (NEDA) na pagbigyan pa ang gobyerno na ipagpatuloy hanggang Enero ang pagpapatupad ng mababang taripa sa imported rice na nangangahulugan na patuloy na lalaki ang lugi nito mula sa taripa.
Dati nang tinutulan ng mga agriculture group ang EO 62 dahil mawawalan ng pagkukunan ang pang-ayuda para sa puhunan ng mga magsasaka na nakapaloob sa Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF) ng Rice Tariffication law (RTL).
“Ang problema po natin paglabas sa pantalan, hindi naman namo-monitor ng gobyerno, nasaan ang warehouse na ‘yang mga ‘yan. ‘Yung mga imported hinahalo rin sa local rice.Napakaliit lang po ang imported na bigas sa palengke kasi po sa dami ng bigas sa imported rice. Wala na pong ibinebenta sa mga local. Karamihan ngayoin lean months hanggang umani hanggang January mas marami na po talaga ang imported rice sa palengke. Wala na po kasing hawak ang local millers. Nasa labas na. Pero despite that, marami nang imported. Wala ka pa ring makikitang imported sa palengke .Gaya ng sinabi namin noon, andun lang ang well milled, mas mahal kasi nahalo na,” sabi ni Cainglet.
Samantala, sinabi ni Cainglet na kaya ng mga local farmer na pababain sa P1 hanggang P43 ang presyo ng kilo ng bigas kung tatapyasin lamang ang ilang layers sa industriya o ang pinagdadaanan ng mga bigas bago makarating sa merkado.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia