P5.760-M MARIJUANA NASABAT SA DRUG COURIER

KALINGA- ARESTADO ang 29-anyos na drug courier makaraang makumpiskahan ng P5.760 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinangka nitong ipuslit sa inilatag na PNP checkpoint sa bahagi ng Sitio Dinacan, Brgy. Dangoy sa bayan ng Lunuaga sa lalawigang ito kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Albert Boraway Dugwawi ng Barangay Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.

Base sa inisyal na police report, nakatanggap ng impormasyon ang personnel ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force (PMFC) na may drug courier na magpupuslit ng marijuana mula sa Tinglayan patungong Tabuk City.

Kaagad na nagsagawa ng interdiction operation ang magkasanib ng puwersa ng 2nd Kalinga PMFC, Tabuk City Police Station, Lubuagan MPS at Provincial Drug Enforcement Unit sa Sitio Dinacan, Barangay Dangoy kung saan itinayo ang checkpoint subalit hindi tumigil ang sasakyan ng suspek kahit pinahinto na ito.

Gayunpaman, napilitang habulin ng mga operatiba ang sasakyan ng suspek kung saan inabandona ito sa kahabaan ng Pasil-Balbalan Road.

Narekober sa loob ng sasakyan ang 10 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 10, 000 gramo at street value na P1.2 milyon; 3 piraso ng tubular forms na dried marijuana leaves at stalks (3, 000 gramo) na street value na P360,000; at 18 pirasong medium rectangular shaped dried marijuana leaves at stalks (35, 000 gramo) na may street value na P4.2 milyon.

Nakatakas ang suspek subalit nagsagawa ng malawakang manhunt operation ang mga operatiba ng pulisya kaya nasakote ito sa Dugwawi sa Barangay Cagaluan. MHAR BASCO