ZAMBOANGA CITY- ISANG barko na puno ng produktong petrolyo na walang kaukulang dokumento ang nasabat sa isinagawang operasyon sa Barangay Cawit sa lalawigang ito.
Ang naturang operasyon ay isinagawa ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-PoZ) sa tulong ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Water Patrol Division, TG Aduana SWM/BARMM, at ang Coast Guard Inspector General – Southwestern Mindanao (CGIG-SWM).
Batay sa mga awtoridad, ang nasabat na produktong petrolyo ay umaabot sa 89,600 litro na may kabuuang halaga na P5.8 milyon.
Ang sasakyang-dagat naman na ginamit sa pagpupuslit nito ay nagkakahalaga ng P3 milyon.
Sa kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang mapanagot ang sinumang mapapatunayang sangkot at namumuno sa pagpupuslit ng nasabing produkto. EVELYN GARCIA