SASALUBONG sa mga motorista ang pinakamalaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa taong ito ngayong Martes
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., Chevron Philippines Inc. (Caltex), at Seaoil Philippines Inc. na tataas ang presyo ng kada litro ng diesel ng P5.85, gasolina ng P3.60, at kerosene ng P4.10.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang dagdag-presyo ngayong alas- 6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng increase sa alas-4:01 ng hapon at Chevron (Caltex) sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Ito na ang ika-10 sunod na linggo na tataas ang presyo ng petrolyo.
Noong nakaraang Martes, Marso 1, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.90, diesel ng P0.80 kada litro, at kerosene ng P0.75 kada litro.
Dahil dito, ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P9.65 kada litro, diesel ng P11.65 kada litro, at kerosene ng P10.30 kada litro.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na inaasahang sisirit pa ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa limitadong output at sa nagpapatuloy na krisis na kinasasangkutan ng Russia, na isang major exporter ng krudo.