INAPRUBAHAN na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mahigit P5 bilyon na panukalang emergency response project ng Department of Health (DOH).
Bahagi ng nasabing proyekto ang pagtatayo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing at quarantine facilities sa anim na pangunahing paliparan sa buong bansa.
Inaprubahan din ng investment coordination committee ng NEDA ang 21-first line decontamination facilities sa mga international airports sa ilang piling lugar sa bansa.
Inaasahang makatutulong ang nasabing proyekto sa national laboratories at sub-national public health laboratories sa paghawak ng COVID-19 cases.
Gagamitin din ang bahagi ng pondo sa pag refurbish at pagtatayo ng negative pressure isolation rooms sa 70 DOH at 85 provincial public hospitals at makapagtayo rin ng 450 isolation tents sa buong bansa.
Bahagi pa ng pondo ang ipambibili ng personal protective equipments, COVID-19 test kits, diagnostic at life support equipments. DWI882