CAMP CRAME – MALAKING tulong ang inilaang pabuya ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang malinis ang hanay ng Philippine National Police (PNP) sa mga tinatawag na ninja cops.
Ito ay matapos na ianunsiyo ng chief executive na magbibigay siya ng P5 milyon sa sinumang makapagdadala sa kanya ng bangkay ng ninja cops habang P10,000 naman ang pabuya para sa makapaghaharap sa kanya ng ninja cops.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana Jr., sa pamamagitan ng pabuya mas mapadadali o mas mas magiging epektibo ang internal cleansing program ng PNP.
Maging ang mga matitinong pulis aniya ay mahihikayat na isumbong ang mga kasamahan nilang patuloy na gumagawa ng katiwalian.
Batay sa datos ng PNP mula July 1, 2016 hanggang July 31, 2018, umabot na sa 267 na mga police personnel ang nasibak na sa puwesto dahil sa paggamit ng droga habang 95 naman ay tinanggal din sa puwesto dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Ang mga sangkot ay may mga ranggong mula Police officer 1 hanggang Police Officer 3. R. SARMIENTO/V. RUIZ
Comments are closed.