PATULOY ang pagbuhos ng gantimpala para kay Olympic double gold medalist Carlos Yulo.
Ang ArenaPlus ang pinakahuling kumilala sa 24-year-old gymnast para sa kanyang makasaysayang tagumpay sa Paris Olympics kung saan pagkakalooban nito si Yulo ng cash reward na P5 million.
Ang ‘Astig Sports Bonus’ ay isang pagpupugay rin kay Yulo bilang official brand ambassador ng leading sports entertainment gateway sa bansa.
Ang Filipino pride ang kauna-unahang nagwagi para sa bansa ng dalawang gold medals sa isang Olympics nang magkasunod na pagharian ang men’s floor exercise at vault event sa Bercy Arena noong weekend.
Isang grand hero’s welcome ang naghihintay kay Yulo sa kanyang pagdating sa bansa.
“Kasama mo kami sa laban ngayon. Parte ka na ng kasaysayan. At para sa patuloy nating paglalakbay sa ating magandang pinagsamahan, sa iyo rin ang Astig Sports Bonus of P5 million,” pahayag ng ArenaPlus sa isang statement.
“Para sa iyong pagpupursige sa hinaharap at sa larangan na iyong pinasikat, ito’y magsisilbing tulong para mas lalong mai-angat ang iba’t ibang karera sa sports.”
Ang cash reward ay karagdagan sa iba pang incentives na tatanggapin ni Yulo mula sa pamahalaan at sa pribadong sektor para sa kanyang exemplary showing sa kanyang ikalawang Olympic stint.
Ang Philippine Sports Commission (PSC), sa ilalim ng RA 10699 (National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act), ay magkakaloob ng kabuuang P20 million para sa tig-P10 million sa dalawang gold medals na napanalunan ni Yulo.
Dinoble rin ng House of Representatives ang nauna nitong pangako sa 4-foot-11 gymnast sa pagkakaloob ng P6 million, habang isang house and lot sa Tagaytay at isang condominium unit na nagkakahalaga ng P35 million ang ibibigay ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng isang property development firm, ayon sa pagkakasunod.
Tatanggap din si Yulo ng P20 million mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.
CLYDE MARIANO