IIMINUNGKAHI ng Senado na gamitin ng gobyerno ang halos P50 bilyon pondo na nakalaan sana sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 para mabigyan ng 13th month bonus ang mga manggagawa.
Sinabi ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na may sapat na pondo ang gobyerno para makatulong sa MSMEs na lubhang naapektuhan ng pandemic at mabigyan ng 13th month pay ang kanilang mga manggagawa.
Pinagsabihan na rin umano ng senador ang Department of Labor and Employement (DOLE) na hindi nila dapat nilalaro ang usapin ng 13th month pay dahil nakasaad ito sa batas at dapat itong matanggap ng mga manggagawa bago ang Disyembre 24.
Dapat din umanong tandaan na ang MSMEs ang sektor na pinakamatinding tinamaan ng pandemya.
Ayon pa kay Villanueva, sa ilalim ng Bayanihan 2, ay mayroong P39.47 bilyon alokasyon para sa government financial institution para matulungan ang mga maliliit na negosyante at P10 bilyon para sa small business corporations at dito maaaring kunin ang 13th month pay ng mga manggagawa.
Nauna nang pinaalalahanan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang mga employer na ibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa. LIZA SORIANO
Comments are closed.