NAGLAAN ang Philippine Sports Commission (PSC) ng P50 million para masiguro ang tagumpay ng Batang Pinoy finals na gaganapin sa Setyembre 15-21 sa Baguio at Mountain Province.
Magtatagisan ng galing sa 21 sports ang mga atletang nag-qualify sa elimination series na ginawa sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao sa torneo na inilunsad ng PSC, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan bilang suporta sa sports program ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipalaganap ang palakasan sa kanayunan at makatuklas ng mga batang atleta na may potensiyal na katawanin ang bansa sa mga international competition.
Kasama sa mga sports na lalaruin ang athletics, swimming, archery, badminton, basketball, baseball, football, softball, lawn tennis, table tennis, pencak silat, sepak takraw, taekwondo, boxing, karatedo, weightlifting, at volleyball (beach volleyball at indoor volleyball).
Sasaksihan ni PSC Chairman William Ramirez ang opening ceremony, kasama sina Commissioner Dr. Celia Kiram, Baguio Mayor Mauricio Domogan at Mountain Province Governor Cresencio Pacalso.
Hindi pa makumpirma kung sasaksihan nina Asiad gold medalists Hidilyn Diaz, Margelyn Didal, Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Go ang opening ceremony bilang inspirasyon ng mga atleta.
Laging dumadalo si Diaz, beterano ng Brazil Olympics at reigning Asian weightlifting queen, sa mga nagdaang torneo at nagbibigay ng inspirational talks sa mga atleta.
“Batang Pinoy is truly a breeding ground of future sports stars, and I am pretty sure many young promising athletes will surface because finest athletes qualified in the eliminations in Luzon, Visayas and Mindanao are competing,” sabi ni Ramirez.
Ang mga matutuklasang bagong bayani sa palakasan ay ipamamahagi sa National Sports Associations para hasain.
Inayos at pinaganda ang Baguio Athletic Bowl para masiguro ang tagumpay ng nasabing torneo na magkatuwang na iho-host ng Baguio at Mountain Province sa unang pagkakataon. CLYDE MARIANO
Comments are closed.