SULU – TAHASANG itinanggi kahapon ni AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na nagkabayaran ng ransom kaya nabawi ang British national na si Allan Hyrones at ang asawa nitong Pinay sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf sa parang, Sulu kahapon.
Ayon kay Sobejana, namuhunan ng dugo ang kanyang mga tauhan at wala kahit singko na ibinayad para mabawi ang mag-asawang Hyrones.
Una rito nilinaw na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa British Government na hindi polisiya ng gobyerno ang makipag-negosasyon sa mga terorista kaya hindi sila magbabayad ng ransom subalit gagawin ng AFP ang lahat ng makakaya para mabawi ng ligtas ang mga bihag.
Pahayag pa ni Sobejana, katunayan ay parang nasa state of shock pa rin ang asawa ng British dahil sa mental and physical torture na inabot nito bunsod ng mga pagbabanta ng ASG na papatayin sila oras na hindi magbayad ng ransom.
Personal na inihatid kamakalawa ng gabi nina Sobejana kasama si AFP Spokesman BGen. Edgard Arevalo ang mag- asawang Hyrones sa British embassy.
Ayon kay Arevalo, dumating noong alas-9:30 ng gabi noong Lunes ang negosyanteng Briton na si Allan Hyron at asawang Pinay na si Wilma.
Ang mag-asawa ay nanatili sa kamay ng Abu Sayyaf ng halos dalawang buwan.
Nasa kustodiya na ni British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce ang mag-asawa matapos lumapag ang kanilang eroplano sa Villamor Air Base sa Taguig.
Na-rescue ng mga militar ang mag-asawa sa Parang, Sulu noong Lunes ng umaga matapos ang 53 araw nang dukutin sila ng ASG at dinala sa Zamboanga.
Bago ang rescue mission ay napalaban muna nang husto ang mga tauhan ng Philippine Army Special Forces Battalion sa grupong hinihinalang may hawak sa mag-asawa na nagresulta sa kamatayan ng anim na bandido. VERLIN RUIZ