MAY kabuuang 9.3 bilyong piso ang ipagkakaloob sa 9.3 milyong pamilya sa ilalim cash transfer program para sa susunod na dalawang buwan sa taong kasalukuyan upang ayudahan ang mga apektado ng inflation.
Ito ang ibinalita ni Finance Secretary Benjamin Diokno matapos ang isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang kasama ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan ay tinalakay ang mga hakbang na isasagawa ng gobyerno upang maibsan ang nararanasan ng publiko sa epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Diokno, tatanggap ng P500 kada buwan o P1,000 sa susunod na dalawang buwan na inaasahang maipagkakaloob sa susunod na mga linggo at kukunin mula sa koleksIyon ng buwis kasabay ng paglilinaw na ang beneficiaries ay yaong mga dati nang nasa listahan.
“We will extend the targeted cash transfer program for 2023. Ito ay 500 for two months, that means 1,000 for 9.3 million households, ibibigay natin ito. Na- identiffy na namin kung saan kukunin ang pera at siguro in a few days or a few weeks mabibigay na namin ito sa mga napektuhan ng inflation,” ani Diokno.
Sa kanyang presentasyon sa Pangulo ay sinabi ni Diokno na may kabuuang 26.6 bilyong piso ang pondong inilaan ng pamahalaan sa ibat ibang apektadong sektor kabilang na ang fuel subsidy sa trasport sector, mga magsasaka at mga mangingisda.
“Pinakita rin namin na mayroong total na P26.6 billion sa subsidies for the vulnerable sectors. So, ito iyong mga fertilizer discount, voucher, iyong fuel discount on farmers and fisherfolks, fuel subsidy to transport sector affected by the rising fuel cost. So itong mga jeepney drivers, tricycle drivers and so forth and so on, they will get subsidies.
And then, we will extend, as I mentioned, the targeted cash transfer program of P9.3 billion. A total of 26.6 billion.
So, these will be the subsidies for the vulnerable sector,” pahayag ni Diokno.
Iminungkahi niya sa Pangulong Marcos ang pagtatatag ng tinatawag na economic development group para mas mabilis ang pag-address ng mga problema sa ekonomiya ng bansa na kanyang pamumunuan bilang chairman at co-chairman si NEDA Secretary Arsemio Balisacan at kasama ang mga kinatawan mula sa PMS, DTI, DBM, DA, DPWH, DOTr, DICT, DOE, DOST DILG at DOLE kung saan magsisilbing Secretariat nito ay NEDA.
Ipinaliwanag din ni Diokno na mahalaga rin ang pagkakaroon ng early warning system kung kaya’t bumuo si Pangulong Marcos ng inter-agency committee na kanya ring pamumunuan kasama si NEDA Secretary Balisacan bilang co-chairman at magsisilbing vice-chairman si DBM Secretary Amenah Pangandaman at miyembro naman ang DA,DTI, DILG at DOST,
“This is called “Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook”. So hindi na magiging ad hoc iyong …
Kasi parang nagki-create ng committee kapag mag-i-import na ‘no, ganoon. Eh minsan mali iyong timing kasi magdidesisyon ka na mag-import tapos darating dito sa atin eh tamang-tama nag-aani naman iyong mga farmers, so umaangal talaga sila. So dapat talaga ay ipo-forecast mo iyong… there should be a scientific, science-based forecast ‘no. Madali namang mag-forecast ng production eh – gamitin mo ang satellite o kaya iyong … para makita mo na kapag nagtanim pa lang, malalaman mo na how many hectarage had been planted, so nakikita mo iyong development. Tapos kung magkaroon ng bagyo, makikita mo rin through satellite. So we will use that kind of model to forecast,”giit ni Diokno.
Ayon kay Diokno, magsisilbi itong permanent committee na ang trabaho ay tukuyin ang demand at supply situation, at magrereport kada buwan sa Pangulo kung ano ang sitwasyon – kung kailangang mag-angkat ay mag-aangkat.
EVELYN QUIROZ