DESIDIDO si Speaker Alan Peter Cayetano na magkaroon ng mula P250 bilyon hanggang P500 bilyon na anti-COVID-19 fund na babalangkasin at aaprubahan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bersiyon nito ng 2021 national budget.
Ayon sa lider ng Kamara, ang pangyayari kung saan tinamaan ng pandemya ang bansa ay nagbigay ng leksiyon sa lahat, lalo na sa pamahalaan, na dapat maging handa, partikular ang pagkakaroon ng kinakailangang pondo para sa isang hindi inaasahang sitwasyon gaya ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
“Wala pong isang tao o isang departamento ang makaka-predict kung ano ang kailangan natin sa 2021. I, for one, want a ₱250 [billion] to ₱500 billion na anti-COVID fund na lump sum para mayroong flexibility ang gobyerno,” sabi pa ng House Speaker.
Paliwanag ni Cayetano, ang naturang pondo ay puwedeng gamitin ng gobyerno na pambili sakaling magkaroon ng bakuna o gamot laban sa nasabing sakit, subalit kung wala pa rin, maaari, aniya, itong ilaan sa iba’t ibang livelihood programs at iba pang mahahalagang proyekto ng Duterte administration.
“Kung hindi dumating (ang anti-Covid vaccine), puwedeng gamitin for livelihood o kung may mga programa ang DA (Department of Agriculture) halimbawa to help our farmers, puwede ring gamitin,” dagdag ng mambabatas.
Kaya naman nanawagan si Cayetano sa lahat na magkakaroon ng ibayong Kooperasyon, partikular sa pagbuo ng magiging pambansang badget para sa susunod na taon lalo’t ito ang magiging pangunahing tututukan ng Kamara pagkatapos ng gagawing ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Lunes, Hulyo 27. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.