P500-K SUWELDO, BONUS TINANGAY

LAGUNA- ANG dapat sana’y masayang Kapaskuhan ng ilan kawani ng grocery store ay nauwi sa kalungkutan nang tangayin ng household helper ang mahigit sa P500,000 na pasuweldo at 13th month pay ng kanilang amo sa lalawigang ito.

Sa ginawang pagsisiyasat ng San Pedro PNP, ang biktima ay nakilalang si Mary Rose Aguirre, 42-anyos at residente ng Barangay Pacita 1, San Pedro city, Laguna.

Si Aguirre ang sinasabing may-ari ng grocery store kung saan nawala ang kalahating milyon pisong halaga ng pera.

Samantala. kinilala naman ang suspect na si Lyra Fulleso, 24-anyos, dalaga, walang sapat na tirahan na ayon sa biktima ay inirekomenda sa kaniya ng isa niyang kaibigan dalawang buwan na ang nakakaraan.

Noong Miyerkules ng hapon iniwan umano ni Aguirre ang susi ng tindahan kay Fulleso dahil sinabi nito na mamimili siya ng mga pang noche buena sa pasko.

Tiwala umano ang biktima sa suspek dahil masipag ay maayos itong kasama sa bahay.

Subalit, laking gulat umano ni Aguirre ng pagbalik niya bandang alas-9 ng gabi na wala na ang nasabing katulong at magulo ang loob ng grocery at sira ang lock ng cabinet kung saan nakatabi ang pang suweldo at bonus ng kanyang mga empleyado.

Tinutugis na ng mga pulis ang magnanakaw na katulong. ARMAN CAMBE