TINANGGAP ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Senador Win Gatchalian na dagdagan ng pondo ang School Electrification Program ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng Senate Committee Report sa General Appropriations Bill (GAB) para sa Fiscal Year 2025 (House Bill No. 10800), P500 milyon ang idinagdag sa P1.295 bilyong nakalaan para sa School Electrification Program. Layunin ng naturang programa na lagyan ng koryente ang mga paaralang wala pang koryente, pati na rin ang modernisasyon sa electrical system ng mga paaralang may koryente na.
“Alam naman natin na may mga paaralang wala pa ring koryente. Bago natin tuluyang maisulong ang mas malawakang paggamit ng teknolohiya sa ating mga paaralan, dapat tiyakin muna natin na lahat may koryente.
Kasabay ito ng ating pagsisikap na mabigyan ang ating mga paaralan ng dekalidad na pasilidad para sa pag-aaral,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Habang may universal access na sa ibang mga sa bansa sa Silangan at Timog-Silangang Asya, problemado pa rin ang Pilipinas pagdating sa pagkonekta ng lahat ng mga paaralan sa koryente.
Gamit ang datos mula sa DepEd, iniulat ng isang research paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ngayong taon na 1,562 paaralan ang wala pa ring koryente noong 2020. Lumabas din sa naturang pag-aaral na noong 2020, 39,335 paaralan ang nangailangan ng upgrading sa kanilang koneksiyon sa koryente.
Lumabas naman sa isang pag-aaral na nilimbag ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies na kung ihahambing sa mga elementary school na walang koryente, mas mataas ng 12% average sa National Achievement Test ang mga paaralang may koryente. Mas mataas naman ng 10% average ang performance ng mga high school na may koryente kung ihahambing sa mga walang koryente.
“Nais kong pasalamatan ang Senate Committee on Finance para sa pagdagdag ng P500 million sa School Electrification Program,” ani Gatchalian sa kanyang interpellation sa panukalang budget ng DepEd sa 2025. VICKY
CERVALES