P500 MONTHLY AYUDA TINIYAK NA MAPOPONDOHAN

TINIYAK  ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na mapopondohan ang P500 ayuda para sa mahihirap na pamilya na iniutos ni Pangulong Duterte sa halip na suspendihin ang ‘excise tax’ sa tumataas na presyo ng langis.

Ayon kay Salceda, ang pondo para sa naturang ayuda ay maaaring manggaling sa kasalukuyang badyet ng pamahalaang nasyunal at karagdagang pondo sa iba pang mga gastusin mula sa mga ‘dividend remittances’ at iba pang pondong hindi galing sa buwis.

Naunang inaprubahan ng Pangulo ang P200 ayuda para sa mahihirap ngunit itinaas niya ito sa P500 noong Marso 21 dahil “lhindi umano ito sapat kahit sa pamilyang tatlo lamang ang kasapi.

Ang pagbibigay ng karagdagang ayuda sa mahihirap na pamilya ay napagpasiyahan matapos magdesisyon ang Pangulo na panatilihin ang ‘excise tax’ sa mga produktong langis.

Si Salceda ang pangunahing nagsulong ng panukalang ‘cash’ na ayuda sa mahihirap sa gitna ng umiiral na krisis sa presyo ng langis, at sinabi niyang kaya ito ng pamahalaan basta mapapanatili ang ‘expandable fiscal space’ nito sa pamamagitan ng ‘value added tax (VAT) collections.’

“Naniniwala akong kaya natin ang ayuda nating ito sa mahihirap basta mapanatili ang ‘fiscal space’ na naturan. Nanatiling akong nakikipagtulungan sa BIR (Bureau of Internal Revenue) at BOC (Bureau of Customs) para tiyaking sarhan ang mga palusot sa buwis at patuloy na pairalin ang mabisang pagpapatupad ng mga batas sa buwis,” sabi ni Salceda sa isang pahayag.

Ayon sa mambabatas, maaaring mapatigil ng kasalukuyang kampanya sa eleksiyon ang ilang probisyon sa badyet, kaya kailangang tukuyin ng Department of Budget and Management kung alin ang mga naturang probisyon upang maging ‘savings’ ang laang pondo sa kanila.

“Patuloy din akong nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa ating mga ‘economic managers’ kaugnay sa bagay na ito. Ang mga naturang UCTs (unconditional cash transfers) ay batay sa mga panukala namin noong Nobyembre 2021, kaya nagpapasalamat kami sa Pangulo sa pagtanggap at pagsunod niya sa aming mga panukala,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Salceda na maaaring lumampas sa Hunyo 2022 ang pagpapatupad ng naturang ayuda kaya kailangangang makipagtulungan din ang susunod na administrasyon sa kasalukuyang ‘economic team’ para matiyak na magiging maayos at mabisa ang patuloy na pagpapatupad ng naturang programa.

“Mananatiling seryosong alalahanin ang ‘fiscal space’ para sa susunod na administrasyon, lalo na dahil sa mga usaping kaugnay sa pandemya at badyet,” puna ni Salceda na binigyang diin din na ang buwanang ayuda ay sadyang kailangan ng mahihirap na pamilya.

“Inirekomenda namin ito sa aming ‘Committee hearing’ noong Nobyembre 2021 na dinaluhan ng mga pamunuan ng mga ‘economic agencies’ ng pamahalaan, at muli naming inulit sa unang ‘hearing’ ng ‘Ad Hoc Committee on the Fuel Price Crisis’ kung saan ‘co-chairman’ din ako. Nagpapasalamat kami sa kapasiyahan na ito ay ipapatupad at mapopondohan,” pahayag ni Salceda.