P500 PUHUNAN SA PINIPILAHANG KWEK-KWEK

MATINDING krisis ang kinakaharap ng buong mundo nang dahil sa COVID-19.

Subalit, sa iba nating kababayan na sanay na sa hirap ng buhay, may krisis man o wala mas naging doble ang naranasang hirap  lalo na ang mga kababayan natin na kapos talaga.

Lahat tayo ay tinamaan ng pandemya, matindi ang naging impact sa pamumuhay ng tao sa buong mundo.

Kung ang mga may maayos na kabuhayan at payak ang pamumuhay ay ramdam ang pandemya lalo na ang mga mahihirap na lalong nalugmok sa kahirapan.

Ang matinding tina­maan, ang mga maliliit na negosyante, isa na rito ang nagtitinda ng fishball at  kwek-kwek o mga itlog na binalot sa kulay orange na harina.

Gamit sa paglalako ang kariton o bisikleta na pumupuwesto sa maaalikabok na kalsada.

Palipat-lipat sa iba’t ibang lugar kung saan mayroong maraming taong naglalakad na nagnanais na kumain ng konting merienda sa abot-kayang halaga.

Taong 1986 nang mag-umpisa sa pagtitinda ni Mang Kwek-kwek o Winefredo Reyes na tubong Lopez, Quezon.

Sa halagang P10 no­ong panahon na iyon ang bawat kilo ng fishball ay kanyang ginawang puhunan.

Sa kanyang kwento, noong araw ay iilan lamang ang mga nagtitinda nito kaya naging madami ang tumangkilik agad dahil sa bago ito sa paningin ng mga tao.

Nang mapadpad sa Calamba City, kung saan siya nakapag-asawa at nagkapamilya, inumpisahan ni Mang Winefredo ang munting negosyo sa harap ng plaza ni  Dr. Jose Rizal  sa Calamba.

Tuwing hapon ay pupuwesto na ito sa kanyang lugar na nag-umpisa sa 3 kilong fishball at 2 tray na itlog na penoy na may puhunang P500.

Kumikita siya ng mahigit sa P2,000 kada araw sa pagprito ng itlog at fishball na isasawsaw sa masarap na sawsawang suka na may pipino.

Dahil sa espesyal na masarap na suka, nakatulong din ito na makahatak ng mga suki.

Lumago ang munting negosyo ni Mang Winefredo, ang dating 2 tray na benta kada araw ay umabot na sa 14  hanggang 16 na tray na itlog habang ang kanyang fishball naman ay panalong-panalo sa mga parokyanong mahilig sa  street foods.

Sa paglaki ng kanyang kita kasunod nito ang maalwan na buhay para sa kanyang pamilya .

Nakapagpundar si Mang Winefredo ng tatlong  tricycle at tatlong pedicab na may bitbit na mga fish balls at kwek-kwek na nilalako sa iba’t ibang lugar.

Nadaig niya ang kita ng isang regular na empleyadong nag-oopisina na kumukubra ng halos P5,000 sa bawat araw na kanyang puhunan.

Naging daan ito upang mapag-aral  ang kanyang 6 na anak na isang patunay na ang taong masikap at may diskarte, tiyak na hindi magugutom ang pamilya basta samahan ng sipag at tiyaga siguradong magbubunga ang pinaghirapan. CYRILL QUILO