Inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang P5,000 Lapulapu commemorative banknote, bilang bahagi ng 99-araw na countdown sa ika-500 anibersaryo ng Victory sa Mactan.
Ang perang papel at medalya ay inilunsad sa Fort San Antonio sa BSP Complex sa Maynila, bilang bahagi ng pagdiriwang ng tagumpay ni Lapu-Lapu, at ng mahalagang bahaging ginampanan ng Filipinas sa pandaigdigang circumnaviugation na tinukoy bilang 2021 Quincentennial Commemorations sa Pilipinas ( QCP).
“Ngayong panahon ng pandemya, higit na kailangan nating alalahanin ang ating nakaraan. Ngayon, higit nating kailangan ang pag-alala sa ating mga bayani at sa mga pamana ng lahi, upang bigyan tayo ng inspirasyon na malampasan ang anumang hamong darating sa ating bansa, ” ani BSP Officer-in-Charge Francisco Dakila Jr.
Sa isang mensahe sa video, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasisiyahan siya na makita si Lapulapu at ang mga mandirigma ng Mactan na itinampok sa mga commemorative items.
“Sa katunayan, kung nais nating tunay na ipagdiwang ang ating mayamang kasaysayan, kailangan nating iangat si Lapulapu sa mas mataas na katayuan, sa gitna ng panteon ng mga bayaning Pilipino,” aniya. “Nawa’y maging inspirasyon sila sa bawat Pilipino upang yakapin ang ating pambansang pagkakakilanlan, sa pamamagitan ng pagkilala sa kabayanihan ni Lapulapu, habang kinakaharap natin ang mga hamon ng buhay.”
Ang harap na bahagi ng perang papel ay naglalarawan ng isang batang Lapulapu, imahe ng labanan sa Mactan, logo ng QCP, at ang Karoaka o malalaking barkong pandigma na ginamit ng mga katutubong Pilipino.
Ipinapakita naman sa likod ang Philippine eagle o ang Manaol, na ayon sa Bangko Sentral ay sumasagisag sa malinaw na paningin, kalayaan, at lakas.
Ipinakikita rin nito ang sinaunang paniniwalang Bisaya, na ang lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagmula sa isang agila.
Itinampok din sa harap na bahagi ang isang puno ng niyog na siyang pagkain na ibinigay ng mga taga-Samar kay Ferdinand Magellan at sa kanyang tauhan, gayundin ang Mt. Apo kung saan natagpuan ng mga circumnavigator ang direksyon patungo sa tunay nilang destinasyong Maluku o Spice Island. NENET V
Comments are closed.