CAGAYAN VALLEY- POSIBLENG lolobo pa ang pinsalang idinulot ng Bagyong Goring sa sektor ng agrikultura dahil sa patuloy na mga pag-ulan at pagbaha.
Sa update ng Department of Agriculture na isinumite sa National Disaster Risk reduction Management Council (NDRRMC) ay umabot na sa P504.4 million ang halaga ng agrikultura ang nasira dahil sa pananalasa ng Typhoon Goring.
Nasa 11,965 na magsasaka ang naapektuhan ng bagyo habang nasa 21,134 metrikong tonelada ng produktong agrikultura ang nasira habang nasa 20,000 ektaryang sakahan ang naapektuhan.
Kabilang sa mga nasira ang pananim ng palay, mais, gulay, high value crops at livestock.
Mula ito sa mga lugar na napinsala ng bagyo sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at Western Visayas.
Sa ngayon, nasa P100 milyong halaga ng binhi, buto ng mais at gulay ang ipamamahagi ng DA.
Mayroon na ring nakahanda na gamot at biologics para sa mga apektadong livestock at poultry.
Samantala, inihayag ng ahensya na maaaring mag-loan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ng hanggang P25,000 ng walang interes at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. VERLIN RUIZ