SA GITNA ng suliranin kung papaano popondohan ang juvenile system ng gobyerno na nauwi sa mainit na isyu ng pagpapababa sa edad ng criminal liability sa 12-anyos, nag-ala-‘Asiong Aksaya’ naman ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na gumastos umano ng halos P50 milyon para sa hamon.
Sa dokumentong nakalap ng grupong Bantay-Pondo Nueva Ecija, aabot sa P50 milyong pondo mula sa kaban ng Nueva Ecija ang ginastos ng kapitolyo sa pagbili ng hamon noong Pasko.
Isiniwalat ng grupo ang iskandalosong pagbili ng mga hamon ni Nueva Ecija Gov. Czarina ‘Cherry’ Umali sa isang pulong balitaan sa Quezon City, kung saan mainit na pinag-uusapan ang problema kung paano sosolusyonan ang monetary requirements para sa mga pasilidad at Bahay-Pagasa para sa mga batang criminal offender.
Nanawagan din sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na sampolan ang gobernador ng Nueva Ecija upang hindi pamarisan ng iba pang opisyal ang walang pakundangang paggasta ng multi-milyong pondo ng gobyerno sa mga walang kabuluhang proyekto, lalo’t isa umano ang Nueva Ecija sa namomroblema kung paano aayudahan ang problema sa mga batang preso dahil sa kakulangan ng pasilidad at pondo.
“Malaking challenge ito sa disiplinadong pamahalaan ni Pangulong Duterte. Itong P50M na pondong winaldas sa hamon na hindi naman natin alam kung saan napunta, sapat na pera na sana ito para magpatayo ng rehabilitation centers at Bahay-Pagasa para sa mga minor criminal offender,” giit ng grupo.
Sa nakuhang vouchers at bidding documents ng Bantay-Pondo Novo Ecijano, nasa P45,625,000 ang pina-bid ng provincial government ng Nueva Ecija noong Setyembre 28, 2018 para sa pagbili ng 125,000 piraso ng hamon bilang Christmas gift ni Umali sa mga kaalyado sa probinsiya.
Kinuwestiyon din ang pakay ng mga biniling hamon ng gobernadora dahil ang namudmod nito ay ang asawa nitong si Aurellio Umali at ang bayaw na si Emmanuel Anthony Umali na tandem sa pagka-gobernador at bise-gobernador sa kabila ng hatol sa kanilang ‘perpetual disqualification’ ng Office of the Ombudsman dahil sa parehong kasong katiwalian.
Nagtataka rin ang grupo kung bakit base sa nakuha nilang vouchers, aabot na sa humigit kumulang P49M ang inilalabas na pondo ng kapitolyo para sa pagbili ng hamon, gayong 45M lamang ang nakaanunsiyong pondo para rito base sa nakapaskil na invitation to bid sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS).
Kaduda-duda rin umano ang presyo ng kada isang kilong hamon dahil halos P400 ang bili rito, mas mataas sa suggested retail price (SRP) ng hamon, lalo’t volume o maramihan ang pagkuha ng produkto.
Pinaiimbestigahan ng grupo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang LOOP General Merchandise na nag-cater sa paggawa ng mga hamon.
Sinisilip din ng grupo ang anggulong baka ‘hinokus-pokus’ lamang ang P50M na pondo para sa hamon.
“Sana ginamit na lamang ito sa pagpapagawa ng kalsada, pagpapatayo ng eskuwelahan, pagpapatayo ng ospital, ayuda sa mga mag-aaral, tulong sa mga senior citizen at ayuda sa ating mga magsasaka – hindi sa walang saysay at walang kabuluhang pagbili ng mga hamon,” diin ng grupo. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.