P51 BILYON NAWAWALA SA GOV’T

POGO

UMAABOT sa P51 bilyon ang nawawalang kita ng pamahalaan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Sa pagkalkula ng senador, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakakolekta lamang ng P11 billion mula sa POGOs, gayong ang ha­laga ay dapat na  nasa P62 billion.

“Ang nangyayari ay pinapalusutan tayo nitong mga POGO sa ating bansa. Mayroon silang tinatawag na off-shore companies, so ibig sabihin dito sila nag-ooperate pero hindi sila nagbabayad ng taxes kasi ang kanilang sinasabi ay hindi naman sila Philippine-registered, sila ay off-shore-registered,” wika ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.

“Ito ay consistent doon sa sinabi ng BIR sa hearing na hindi nila mapuwersang kolektahan itong mga off-shore na POGO dahil hindi sila nakarehis-tro dito,” dagdag pa ng senador.

Ayon kay Gatchalian, sa 60 POGO licenses na inisyu ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (Pagcor) ay 11 lamang ang nakarehistro sa bansa habang ang iba ay foreign-registered.

Samantala, iginit ni Gatchalian na hindi dapat ilibre ang foreign companies sa pagbabayad ng tamang buwis bagama’t nais ng pamahalaan na makaakit ng maraming investments sa bansa.

“Itong mga investor na ito, kunin natin ‘yung mga tama at ‘yung mga moral na investors na pagpunta nila dito ang unang nasa isip nila ay paano magbayad ng tamang buwis, hindi magpalusot,” aniya.

Bukod sa hindi pagbabayad ng tamang buwis, iniimbestigahan din ng Senate Committee on Women and Children ang umano’y prostitution activities na may kinalaman sa POGO industry sa bansa.      PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.