P513.81-B BUDGET PARA SA 2025 IHIHIRIT NG DA

ITINUTULAK ng Department of Agriculture (DA) ang 2025 budget na higit sa doble ng kasalukuyang appropriation nito upang higit na maisulong ang layunin nitong i-modernisa ang farm at fisheries sectors ng bansa.

Ayon sa DA, isinasapinal nila ang panukala na magtataas sa kanilang budget para sa 2025 sa P513.81 billion mula sa kasalukuyang budget na P208.58 billion.

Sa isang consultative meeting sa private sector stakeholders, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na habang inaayos pa ang budget proposal, malinaw nitong ipinakikita ang direksiyon na kanilang patutunguhan.

Sinabi ng DA na hinihingi ni Tiu Laurel ang suporta ng pribadong sektor para sa budget na magpopondo  sa konstruksiyon ng mas maraming farm infrastructures, kabilang ang irrigation at post-harvest facilities.

Pinuna ng Agriculture chief ang malaking kawalan ng investments sa agriculture sa loob ng halos apat na dekada, na nagresulta sa pagbaba ng kontribusyon ng agrikultura sa gross domestic product (GDP).

Bunga nito, sinabi Tiu Laurel na milyon-milyong Pinoy na nakadepende sa sektor ang nanatiling mahirap.

Nauna niyang itinaya na sa susunod na mga taon, P93 billion ang kinakailangan para sa post-harvest facilities upang mabawasan ang rice at  corn wastage habang P1.2 trillion ang kakailanganin para patubigan ang karagdagang 1.2 million hectares upang palakasin ang rice production at mabawasan ang importasyon.

Sa ilalim ng preliminary expenditure numbers para sa 2025, malaking bahagi ng budget increase ay mapupunta sa DA attached corporations, kabilang ang  National Irrigation Administration (NIA), National Food Authority (NFA), Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at ang National Dairy Authority (NDA).

Ang proposed combined budget para sa walong  DA attached corporations ay P287.98 billion, higit sa  triple ng kanilang total budget na P94.30 billion para sa 2024.

“For the DA itself, the envisioned budget for 2025 is nearly double at P225.83 billion compared to P114.28 billion this year to allow various bureaus cope with the need to modernize the fisheries and farm sectors as well as address food safety and anti-smuggling efforts.”

Ang rice sub-sector pa rin ang may lion’s share sa budget proposal, na may alokasyon na  P294.21 billion, o 57% ng total outlay para sa susunod na taon.

Susunod ang fisheries sub-sector na makakakuha ng P50.6 billion habang ang locally-funded projects ay paglalaanan ng  P45.48 billion.

Ang ibang  sub-sectors at ang kanilang budgets ay cross-cutting programs, P34.5 billion; high value crops, P32 billion; livestock, P28.56 billion; foreign-assisted, P13.77 billion; corn, P11.3 billion; at credit program, P3.38 billion.