KASUNOD ng pagpapalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng P529.2 million para sa Cancer Assistance Fund (CAF) ng Department of Health (DOH), tiwala si House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul R. Daza na hindi lamang ang mapababa ang gastos kundi kaya rin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na gawing libre na ang gamutan sa mga cancer patient, gayundin sa iba pang uri ng karamdaman.
Kasabay nito, hinimok ni Daza ang DBM at DOH na tiyakin na may pondo na agad na magagamit sakaling maubos ang naturang halaga bago pa matapos ang taong 2023 upang masiguro na tuloy-tuloy ang programa ng pamahalaan para sa mga pasyenteng may kanser.
Giit ng ranking House minority official, makakaya ng gobyerno na sagutin ang cancer at iba pang healthcare treatments kung magkakaroon ng regular na pondo para rito, partikular ang DOH, tulad sa pinamamahalaan nitong CAF.
“With DBM’s announcement of the release of the P529.2 million for Cancer Assistance Fund (CAF), free cancer and healthcare treatments in the Philippines have become a closer possibility,” sabi ni Daza.
Ayon sa Northern Samar lawmaker, ang pagbabalik sa mahigit sa kalahating bilyong piso na CAF ay isang positibong hakbang para mapabuti at mapalawak ang iba pang polisiya o programa sa pagkakaloob ng libreng serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan, kabilang ang Cancer Control Act at Universal Healthcare Act.
“The CAF was approved for release following a joint memorandum between the DBM and DOH, which clarified the funds’ implementing rules and regulations (IRR). These agencies deserve praise for acting quickly upon our call to have the cancer assistance fund ready for implementation,” pahayag ni Daza.
“I hope this spirit of cooperation continues and we keep the ball rolling towards affordable and even free treatment of this disease and others. We must never let our fellow Filipinos feel alone in the fight against cancer,” dagdag pa niya.
Magugunita na bago ang nasabing DBM-DOH joint memorandum, “zero budget” ang CAF sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malakanyang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kaya naman maraming kongresista, sa pangunguna ni Daza, ang nagpahayag ng pagkabahala dahil lumalabas na walang pondong ilalaan ang gobyerno sa susunod na taon para sa pagbibigay ng tulong medikal, partikular sa cancer treatment. ROMER R. BUTUYAN