MAHIGIT 8 kilong shabu na nagkakahalaga ng P54.57 milyon ang nakumpiska sa dalawang drug pushers sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) Huwebes ng gabi sa Taguig.
Kinilala ni SPD director Brig.Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Marisa Asi y Omar, 34-anyos, at Muslimin Kamid y Taudil, 32-,anyos, kapwa residente ng Begy. Maharlika, Taguig City.
Base sa report ng Taguig City police na isinumite kay Macaraeg, inaresto ang dalawang suspek sa ikinasang buy-bust operation sa bahay ni Asi sa Block 128 Lot 4 Barangay Maharlika, Taguig City dakong alas-11:15 Huwebes ng gabi.
Nasakote ang mga suspek dahil sa impormasyong natanggap ng DDEU tungkol sa kanilang illegal na aktibidad na nagpositibo naman sa isinagawang surveillance operation ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa isinagawang operasyon ang limang transparent heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000; 8 plastic pack na may nakasulat na foreign markings at may bigat na isang kilo ang bawat isa na may katumbas na halagang P54,400,000; shabu paraphernalias at P1,000 buy-bust money na ginamit sa naturang operasyon.
Ang mga nakumpiskang shabu ay dinala sa SPD Crime Laboratory para sumailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyan nakapiit sa detention facility ng DDEU ang mga suspects na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng R.A. 9165 sa Taguig City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ