BUMAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang big-time drug pushers matapos makumpiskahan ng mahigit P54.7 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief PLTCOL Renato Castillo ang mga suspek na sina Ali Usman alyas “Tukayo”, 38-anyos, (HVI), tricycle driver ng No. 311 P. Casal St., Quiapo Manila at Von Flores alyas “Jeff”, 37-anyos, motorcycle mechanic ng Brgy. Niugan, Malabon City.
Sa report ni Lt Col Castillo kay Northern Police District (NPD) Director BGen Jose Hidalgo Jr., dakong alas-12:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PMAJ Amor Cerillo ng buy bust operation sa loob ng room 30 ng Monaliza Lodge sa #4 Don Vicente Ang, Brgy. 136 Bagong Barrio, Caloocan City.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P75,000 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.
Tinatayang nasa 8 kilos at 55 gramo ng shabu na may standard drug price P54,774, 000.00 ang nakuha sa mga suspek, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at P74 pirasong boodle money at yellow green bag.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. EVELYN GARCIA