P546-M BUDGET SA 2023 HILING NG PSC

PSC

MAGIGING abala ang 2023 para sa sports community matapos ang mga lockdown.

Susuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang national team sa siyam na international major competitions na lalahukan nito sa susunod na taon.

Ipinanukala ng PSC ang kabuuang budget na mahigit P546 million sa Department of Budget and Management (DBM) para sa lima sa siyam na sporting events na ito para maipagkaloob ang mga pangangailangan ng national athletes at maipadala sila sa mga international multisport tournament sa susunod na taon.

Iminungkahi ng PSC ang highest budget portion na P250 million para sa paglahok ng bansa sa 32nd Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia sa May 2-16, 2023. Umaasa ang sports agency na mahihigitan ng national athletes ang nakalipas na fourth place finish sa pinakamalaking biennial multisport event sa rehiyon.

“We are hoping that the proposed budget will be approved by our country’s leaders. As a former athlete, the unwavering support of the government along with the full backing of the Filipino people are vital for our success,” sabi ni PSC Commissioner at Officer-in-Charge Bong Coo.

Kasalukuyan pang isinasapinal ang budget para sa paglahok ng bansa sa ASEAN Para Games at Asian Para Games at sa dalawang world-level competitions ng FIBA at FIFA.

Ang 19th Asian Games na gaganapin sa Hangzhou, China sa September 23-October 8 ay makakakuha ng a P100 million budget. Sa 18th edition sa Jakarta-Palembang, Indonesia noong 2018, ang Team Philippines ay nagwagi ng 4 gold, 2 silver, at 15 bronze medals.

Target din ng bansa na isabak ang national athletes sa 4th World Combat Games sa Riyadh, Saudi Arabia sa October 5-14, 2023, na may panukalang P72 million budget, gayundin sa 6th Asian Indoor and Martial Arts Games sa Bangkok-Chonburi, Thailand sa November 17-26 na may P67 million budget at sa 2nd World Beach Games sa Bali, Indonesia sa August 5-17, na may proposed fund na P56 million.

Naniniwala rin ang PSC na maipagpapatuloy ng PH para-athletes ang kanilang tagumpay sa paglahok sa 12th ASEAN Para Games sa June 3-9 sa Cambodia at sa Hangzhou Asian Para Games sa October 22-28, sa susunod na taon.

CLYDE MARIANO