UMABOT sa P547.9 million na buwis ang nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon mula sa 178 commercial establishments na ipinasara sa pagkabigong magparehistro o magbayad ng tamang buwis.
Sa report kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi ng BIR na naghain din ito ng 14 kaso sa Court of Tax Appeals (CTA) sa layuning makolekta ang may P338 million na tax liabilities mula sa iba’t ibang respondents.
Samantala, sa DOF Executive Committee (Execom) meeting kamakailan ay iniulat ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na may 72 reklamo na may kaugnayan sa tinatayang P3.4 billion na tax liabilities na isinampa ng bureau sa Department of Justice (DOJ) ang isinasailalim na ngayon sa preliminary investigation.
Sinabi ni Guballa na ang mga operasyon na isinagawa laban sa mga ipinasarang establisimiyento ay alinsunod sa Revenue Memorandum Order (RMO) No. 3-2009, o mas kilala bilang ‘Oplan Kandado Program’.
Noong nakaraang taon ay nakakolekta ang BIR ng kabuuang P1.92 billion sa ilalim ng Oplan Kandado program nito bilang resulta ng temporary closure ng 743 establisimiyento dahil sa iba’t ibang paglabag sa National Internal Revenue Code.
Ang performance ng BIR sa ilalim ng Oplan Kandado program noong 2019 ay mas mataas ng 218.88 percent kumpara sa 233 closures ng mga establisimiyento na iniualat noong 2018 at nagtala ng 140.76 percent increase sa collections na nagkakahalaga ng P799.47 million sa nasabing taon.
Noon ding 2019, ang BIR ay nagsampa ng kabuuang 347 reklamo na may kaugnayan sa tax liabilities na tinatayang nagkakahalaga ng P24.02 billion sa DOJ o CTA bilang bahagi ng malawakang kampanya ng Duterte administration laban sa tax evasion.
Sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) program nito, 309 kaso para sa preliminary investigation ang isinampa ng BIR noong nakaraang taon para sa tax liabilities ng iba’t ibang indibidwal at korporasyon na tinatayang nagkakahalagang P19.06 billion. VICKY CERVALES
Comments are closed.