UPANG mapalawak ang loan program, partikular para sa mga maliliit na negosyo ng iba’t ibang government financial institutions (GFIs), nakatakdang aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong maglaan ng P55 bilyong pondo na gagamitin bilang pautang sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Kasabay nito, iginiit ni Speaker Alan Peter Cayetano na dapat manguna ang gobyerno sa pagkakaloob ng tulong upang maisalba at muling makabangon ang mga maliliit na negosyong labis na naapektuhan ng patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic.
“Government needs to take the lead in helping small business owners survive the effects of this pandemic. Both the SSS and the GSIS are already doing a good job, but we need all hands on deck right now. The DBP (Development Bank of the Philippines), Landbank (Land Bank of the Philippines), and other government financial institutions should also look into how it can extend credit and other assistance to our kababayans,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Kaya naman desidido, aniya, ang Lower House na agarang isalang sa kanilang plenaryo para ganap na maipasa ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o “GUIDE” bill kung saan P55 bilyon ang ibibigay na pondo sa GFIs.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, P35 bilyon ang mapupunta sa Landbank, P15 bilyon sa DBP, at P5 bilyon naman sa PhilGuarantee nang sa gayon ay mas maraming maliliit na negosyo ang kanilang mapahihiram ng bago at karagdagang kapital.
Giit ni Cayetano, kung nais ng Filipinas na makasabay ang bansa sa ‘new normal’, dalawang bagay ang dapat na pagtuunan ng pansin; ang buhay at ang hanapbuhay, kung saan naniniwala siya na ang local MSME sector ay kayang “mag-adapt, innovate, at manage” sa mga pangangailangan ng kasalukuyang sitwasyon subalit dapat ay mayroong ‘easy access’ ang mga ito sa pagpapautang ng pamahalaan. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.