P556-M AYUDA SA CORDILLERA FARMERS

TUMANGGAP ang mga magsasaka sa Cordillera Administrative Region (CAR), na naapektuhan ng nagdaang bagyo, ng agricultural assistance na nagkakahalaga ng P556,345,158 mula sa Department of Agriculture (DA).

Pinangunahan ni Agriculture Secretary William Dar ang OneDA family sa pagkakaloob ng iba’t ibang ayuda sa paglulunsad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) Program sa Baguio City noong October 28, 2021.

“The Rice Tariffication Law (RTL) is one of the best reforms that have happened today. The bottom line of RTL that also provides RCEF is to make the rice farmers very competitive para puwede tayong makipagtunggali sa rice farmers sa iba’t ibang bansa,” wika ni Dar, at idinagdag na ang halaga ng palay production ay magiging nasa lebel ng P7/kilogram sa pagtatapos ng six-year implementation period.

Sa pamamagitan ng RFFA, ang mga rice farmer na naka-enroll sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na may lupaing dalawang ektarya at pababa ay tatanggap ng unconditional cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000.

Mabibiyayaan ng programa ang 65,836 Cordillera rice farmers na may total cash assistance na P329.18 million.

Sa pakikipagpartner sa Development Bank of the Philippines (DBP) at SquidPay Technology, Inc., ang DA-CAR Regional Field Office ay magsisimulang mamahagi sa mga benepisyaryo ng Interventions Monitoring Card (IMC) na magsisilbing identification card at cash card.

Binanggit din ni Dar ang iba pang interventions na kailangang dagdagan ng pondo para higit na maging kumpetitibo ang local farmers tulad ng drying facilities at iba pang post-harvest facilities, paggamit ng biofertilizers at biopesticides, at mass labeling ng mga gulay ay prutas para sa food safety.

“Let’s make our vegetable production more efficient. Let’s lessen the cost of producing a kilo of any vegetables. That’s the only way for the long term we can be competitive with the rest of the world,” anang kalihim.

Sa naturang event ay nagkalood din ang DA ng cash assistance para sa calamity-affected farmers at fisherfolk sa rehiyon.

Inaprubahan ng DA-Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang credit fund na nagkakahalaga ng P10 million para sa Lengaoan Indigenous Farmers Multi-Purpose Cooperative bilang lending conduit sa ilalim ng Expanded SURE Aid and Recovery Project. Ang maliliit na magsasaka at mangingisda ay maaaring maka-avail ng P20,000 interest-free loans na walang collateral at maaaring bayaran sa loob ng 10 taon sa pamamagitan ng SURE Program.