MILYON-MILYONG halaga ng pinsala sa agrikultura ang idinulot ng mga pagbaha dala ng malakas na pag-ulan noong Christmas weekend.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang nitong Martes, may kabuuang P59.82 million ang nawasak na mga pananim dahil sa malawakang pagbaha na naranasan sa Visayas, Mindanao, at ilang bahagi ng Southern Luzon.
Ang Bicol region ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala sa mahigit P52.72 million.
Samantala, ang agricultural damage sa Northern Mindanao region ay tinatayang nasa P7.1 million.
Ayon sa NDRRMC, ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ay lumobo sa 1,966.
Umabot naman sa P14.58 million ang pinsala sa imprastruktura.