P5K CASH AID SA 2.38M RICE FARMERS

NAGSIMULA nang matanggap ng tinatayang 2.38 milyong rice farmers ang tig-P5,000 cash aid mula sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program ng pamahalaan, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ang RFFA program ay isang unconditional financial assistance para sa maliliit na rice farmers na nagsasaka sa wala pang dalawang ektarya.

Ang cash grant ay minamandato sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11598, o ang Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021, at pinangangasiwaan ng DA.

Ang programa ay pinondohan sa pamamagitan ng sobrang tariff collection mula sa rice importations noong 2022, na may kabuuang P12.7 billion.

Magugunitang inaprubahan noong Setyembre ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P12.7 billion na sobrang tariff collections para suportahan ang RFFA program.

Ayon sa DA, hanggang Disyembre 28, na-credit na sa accounts ng 458,435 magsasaka ang cash assistance.

Samantala, may  44,719 magsasaka ang nakapag-withdraw na ng kanilang cash aid sa tulong ng Development Bank of the Philippines at ng remittance giant USSC, isang BSP-licensed e-money issuer.