P6.240-M HEROIN NASABAT SA 2 BANYAGA

CAVITE- AABOT sa P6.240 milyong halaga ng heroin ang nasabat sa dalawang Nigerian national sa isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng PDEA at pulisya sa main entrance ng isang mall sa Tanzang Luma 5 sa Imus City kamakalawa ng hapon.

Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Enuka John Chukwuemeka at Christopher Nwabufo na pansamantalang nakatira sa Golden Acres Village sa Pamplona Tres, Las Pinas City.

Sa isinagawang anti-drug operation ng PDEA-RO-NCR SDO; PDEA-RO NCR NDO, PDEA-IV-A Cavite PO, Cavite PPO, PNP RO4A, NCR-PDEG at Imus CIty PNP, nasamsam sa mga suspek ang 40 gramo ng heroin na may street value na P240K; 1 kilong heroin na P6 milyong ang halaga; 15 gramo na pinatuyong dahon ng marijuana; 2 cellphone at isang identification card.

Ayon sa ulat, may ilang linggo na rin isinailalim sa surveillance ang mga suspek makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa drug trade sa nasabing lalawigan.

Napag-alamang inilagay ng mga suspek ang droga sa highlighter pen (stabilo); hair/dust remover brush at sa rolyo ng self adhesive tape kung saan inabot ng may ilang oras bago matapos ang inventory sa mismong harapan ng dalawang Nigerian.

Nagsasagawa na rin ng follow-up operation ang mga awtoridad laban sa mga kasamahan ng mga suspek na kasalukuyang nagtatago sa hindi binanggit na lugar sa Cavite at Metro Manila. MB