P6.3-M SHABU NASABAT SA HV DRUG PUSHER

RIZAL- NAKUMPISKA ng pinagsanib puwersa ng Rizal PNP drug unit, Regional Drug Enforcement group at Region lV-A PDEA ang P6.3 milyong halaga ng shabu sa isang high value drug pusher sa ikinasang buy bust operation nitong Martes ng hapon sa Barangay Sta. Ana, Taytay.

Sa report ni Rizal PNP provincial director Lt. Col.Dominic Baccay kay CALABARZON PNP Director BGen. Jose Melencio Nartatez, ang suspek na nakilala sa alias na ” Vic” ay matagal nang tinatarget na mahuli ng lahat ng drug enforcement unit sa rehiyon subalit palipat- lipat ito ng pinagtataguan sa Rizal at iba pang karatig lalawigan.

Nagbunga ang paghahanap ng mga police operative nang kumagat sa isang transaksyon ang suspek sa isang undercover agent na bibili ng droga sa halagang P6 milyon.

Ayon kay Baccay, makaraan ang entrapment operation, nakumpiska sa suspek ang 53 piraso ng plastic wrapper na naglalaman ng shabu na may street value na P6.3 milyon, 1 cal. 45 shooter at mga magazine, 1 9mm., mga magazine at live ammunition sa mga nasabing baril.

Ang suspek ay sasailalim sa masusing interogasyon ng Regional Intelligence unit sa Camp Vicente Lim.
ARMAN CAMBE