(P6.8-M shabu nakumpiska) DRUG PUSHER KUMASA SA BUY BUST TODAS

CEBU-PATAY ang 27-anyos na drug personality sa ikinasang anti-narcotics operation ng PNP na nakasamsam ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa Mandaue City sa lalawigang ito.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang napaslang na si Jomar Espinoza ng Barangay Tejero, Cebu City.

Batay sa ulat, kumasa si Espinoza sa mga awtoridad na kung saan una itong bumunot ng baril kasama ang kasabwat nito kaya’t nagkaroon ng engkwentro.

Dahil dito, nagtamo ng matinding tama ng bala sa katawan ang suspek kaya’t nang isugod sa Eversley Child Sanitarium ay idineklara itong dead on arrival ni Dr. Cedric Lester C Amodia ang attending physician.

Target naman ng manhunt operation ang kasabwat ni Espinoza na nakatakas sakay ng motorsiklo.

Nakuha sa crime scene ang isang malaking heat-sealed plastic sachet at apat na plastic packs na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000.

Narekober din ng mga awtoridad ang ginamit na buy-bust money, isang caliber .38 revolver, limang cartridge cases ng caliber 9mm, isang cartridge case ng caliber .38, isang backpack at helmet. VERLIN RUIZ