CAMARINES SUR-DEAD on the spot ang isang drug pusher sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng PNP-PRO5 sa La Purisima Pili kamakalawa ng gabi sa lalawigang ito.
Ayon sa report na isinumite sa tanggapan ni Bicol PNP chief BGen. Jonnel Estomo mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, ang suspek ay kinilalang si Glen Gan kasalukuyang nakatira sa Naga City Subdivision, Triangulo, Naga City.
Sinasabing nauwi sa palitan ng putok ang inilatag na anti-narcotics operation na naging sanhi ng pagkamatay ng nasabing drug personality .
Nakumpiska sa suspek ang isang pakete ng transparent plastic na naglalaman ng humigit kumulang 1,000 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P6,800,000.00.
Bukod dito nakuha rin ang kalibre 45 na pistola na kanyang ginamit laban sa mga operatiba.
Ang pagkakahuli sa drug pusher ay bunga nang matinding pagpaplano nang pinagsamang operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit 5 Team Camarines Sur/Naga;Camarines Sur Provincial Intelligence Unit at Municipal Drug Enforcement Unit, Pili MPS sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga operatiba upang alamin ang pinagmulan at supplier ng drogang ibinebenta ng nasabing tulak. VERLIN RUIZ