CAVITE – TINATAYANG aabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa 29-anyos na sinasabing notoryus narco trader sa isinagawang anti- illegal drugs operation ng mga operatiba ng PNP DEG team sa bahagi ng Tierra Solana sa Brgy. Buenavista 3, General Trias City sa lalawigang ito nitong Miyerkoles ng hapon.
Isinailalim na tactical interrogation ang suspek na si Alvin Guiamal y Makalay, house caretaker at nakatira sa B54 L1 Phase 3 sa nabanggit na lugar.
Sa inisyal na police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isinailalim sa surveillance ang suspek bago isagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng SOU 4B, PNP DEG team, General Trias CPS at Cavite PPO-PDEU.
Nakumpiska sa suspek ang 17 plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 1 kilo at may street value na P6.800 milyon.
Nasamsam din ang isang cal. 9mm pistol (M274.86Z with PNP markings); 2 magazine na may 11 ammunition; 10 boodle money na ginamit sa buy-bust; weighing scale, pounch bag, cellular phone, orange paper bag, small white box at personal identification card.
Kasalukuyang nasa custody ng SOU 4B, PNP DEG detention facility ang suspek habang isinailalim na sa chemical analysis ang nakumpiskang shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA9165 at RA 10591. MHAR BASCO