CAVITE-PINANGUNAHAN kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Vergilio Lazo ang pagsira sa pamamagitan ng thermal decomposition or thermolysis ang nasa P5,968,744,462.01 halaga ng mga mapanganib na droga at iba pang substance sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), Barangay Aguado, Trece Martires City.
Kabilang dito ang agarang pagsira ng 274 kilos ng shabu na nasamsam sa Manila International Container Port (MICP) nitong Oktubre 6 at 208 kilos ng Dimethyl Sulfone, shabu extender na narekober mula sa drug suspects sa Mabalacat, Pampanga noong Agosto 25.
Ang mga ebidensya ng droga ay winasak sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis na may temperaturang higit sa 1,000 degrees centigrade kung saan lahat ng mapanganib na gamot o sangkap ay tuluyang nang masira.
Ang mga nasunog na mapanganib na droga ay binubuo ng mga ebidensyang nakuha mula sa iba’t ibang anti-drug operations na isinagawa ng PDEAat hindi na kailangan bilang ebidensya sa korte.
Ang mabilis na pag-uusig at disposisyon ng drug cases ang dahilan kaya may clearance na o ipinag-utos na ng korte na wasakin ang mga droga na nagsilbing ebidensya .
Sumaksi sa pagsira ng multi billion halaga ng droga ang mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ); ang Department of the Interior and Local Government (DILG); mga lokal na opisyal ng lungsod mga kinatawan mula sa PNP at NBI; non-government organizations (NGOs); at media partners ay nakiisa sa mga pangunahing opisyal ng PDEA sa pagsaksi sa aktibidad ng pagsira.
Inihayag ni PDEA Director Derrick Arnold Carreon, hepe ng Public Information Office na ang winasak na stockpile of illegal drugs ay may kabuuang timbang na 1,019,204.7581 gramo na kinabibilangan ng 471,478.0639 gramo ng shabu; 312,993.9424 gramo ng Marijuana, at 208,909.00 grams of Dimethyl Sulfone.
VERLIN RUIZ