MGA puslit na segundamanong sasakyan na umaabot sa mahigit P6 milyong halaga ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Cagayan de Oro (BOC-CDO) makaraang ideklara ang mga ito bilang mga “used” auto spare parts.
Ayon sa BOC, dumating ang kargamento sa Sub-Port of Mindanao Container Terminal nitong Pebrero 12 mula sa Japan na idineklara na naglalaman ng 55 pakete ng mga segundamanong auto spare parts.
Matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nasabing kargamento, hiniling ng CIIS, ESS, at XIP kay District Collector Alexandra Y. Lumontad na mag-isyu ng alert order para sa full physical examination sa mga nabanggit na kargamento.
Sa isinagawang pagsisiyasat nadiskubre ang pagkakaiba sa kargamento, kung saan ay natagpuang naglalaman nang mga segundamanong sasakyan na kinabibilangan ng isang (1) unit na 1985 Suzuki Jimny, isang (1) unit 2001 Mercedes-Benz G Class, isang (1) unit ng. 2003 Toyota LC Prado, at isang (1) unit na 1995 Toyota LC Prado.
Batay sa pagsusuri, ang mga sasakyan ay tinaya sa aggregate Landed Cost, kabilang ang duties, taxes, at iba pang singilin sa halagang P6.7 milyon.
Isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inilabas laban sa subject shipment para sa paglabag sa Section 1400 kaugnay ng Section 1113 (f) at (l) 3, 4, at 5 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“The prompt measures undertaken by the Port of CDO are truly commendable and will serve as a clear reminder for transnational crime syndicates that we in the BOC are taking our job seriously with unwavering dedication in protecting the integrity of the nation’s supply chain,” sabi ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
EVELYN GARCIA