BULACAN – UMAABOT sa P6-milyong kontrabando ng untaxed cigarettes ang nakumpiska ng awtoridad makaraang salakayin ng pinagsanib na operatiba ng pulisya at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang bodega ng Fonchun Industrial Compound sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Base sa report ni P/Col. Emma Libunao, Bulacan police director kay P/Brig. Gen Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), patuloy na tinutugis ng awtoridad ang may-ari ng bodega na nakilalang si Johnny Lee at kasama nito makaraang makatunog at makatakas na sasalakayin ng awtoridad ang kanyang bodega.
Bandang ala-1:20 ng hapon kamakalawa nang salakayin ng pinagsanib na operatiba ng Special Concern Unit-Regional Intelligence Division 3, Balagtas Municipal Police, Regional Mobile Force Battalion 3, Japan Tobacco International (JTI) at BIR ang bodega sa Fonchun Industrial Compound sa Barangay Santol, Balagtas.
Nabatid na armado ang Tobacco Striking Force ng mission order na inisyu laban sa may-ari ng bodega at kasama nito at dito na nakumpiska ang 245 master cases ng untaxed cigarettes.
Tiniyak ng Bulacan-PNP na ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad nang mas pinatinding kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad bilang pagtalima sa direktiba ng PNP Chief at PRO3 Chief Brig. Gen. Sermonia. MARIVIC RAGUDOS