NAGLAAN ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng P6 milyong reward sa makapagtuturo sa mga suspek sa Jolo twin blasts na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng maraming iba pa noong nakalipas na Lunes.
Sa kanyang facebook post, sinabi ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco na patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa subleader ng Abu Sayyaf na si Mundi Sawadjaan na pinaniniwalaang utak sa pagpapasabog sa Jolo, Sulu noong Agosto 24.
Layon ng nasabing reward na inilaan ng pamahalaan ay para sa agarang pagdakip sa Indonesian national na si Andi Baso na suspek din sa nasabing pagpapasabog.
Sa isinagawang manhunt operation ng militar at pulisya laban sa bomb expert na si Sawadjaan ay napatay ang dalawang teroristang miyembro ng Abu Sayyaf sa naganap na bakbakan sa kagubatan ng Patikul, Sulu noong Sabado ng umaga.
Tumagal ng 30- minute ang sagupaan sa pagitan ng militar at grupong terorista na kung saan isang sundalo naman ang napaulat na napatay habang pito ang sugatan.
Kasabay nito, inanunsiyo naman ng Malakanyang ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Jolo upang alamin ang sitwasyon sa nasabing lugar. MHAR BASCO
Comments are closed.