ZAMBOANGA CITY- NASAMSAM ng mga awtoridad sa isang Person Deprived of Liberty (PDL) at kasabwat nito ang shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon mula sa isang buy-bust operation sa labas ng gate ng San Ramon Penal Colony kamakalawa sa lalawigang ito.
Ayon sa mga awtoridad ang mga suspek ay kinilalang sina Kerwin Mohammad Abdila, 42-anyos, isang PDL trustee, at ang kanyang kasabwat na si Albadir Mala Ajijul.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon.
Si Abdila ay mula sa Barangay Upper Calarian kung saan ay naaresto ng mga pulis sa Barangay Recodo sa nabanggit na lungsod sa isang buy-bust operation tatlong taon na ang nakararaan, naninirahan ito sa San Ramon Penal Colony bilang isang PDL trustee sa nakalipas na tatlong taon nang arestuhin.
Bilang isang katiwala, si Abdila ay kabilang sa mga bilanggo na inatasang magsaka sa isang bakanteng lote sa tabi ng penal colony.
Sa pahayag ng mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), inaresto ang suspek matapos ang ilang linggong surveillance.
Inamin ng suspek sa PDEA na nakakatanggap siya ng P20,000 sa bawat transaksyon ng droga.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng PDEA para sa karagdagang imbestigasyon.
Sinisiyasat ng PDEA ang mga kontak ng mga suspek sa labas ng penal colony. EVELYN GARCIA