NAKATAKDANG isauli ng Bitag Media Unlimited Inc., na pagma-may-ari ng Tulfo brothers, ang P60 milyong ad placement na natanggap nila mula sa Department of Tourism (DOT), na pinamumunuan ng kanilang kapatid na si Secretary Wanda Teo, kasabay ng paninindigang walang iregularidad at malisya sa naturang kontrata.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado at tagapagsalita ni Teo, gagawa ng paraan ang Tulfo brothers upang maibalik ang naturang halagang ibinayad sa kanila.
“Nakausap ko si Mr. Ben Tulfo, kanina lamang po, sinabi niya na napagpasyahan po nila (magkakapatid) na bagamat wala po sa kanya ‘yong P60 million dahil nagastos na po, gagawa po sila ng paraan at i-o-offer na nila na ibalik na po up to the last centavo kung ano man ang naibayad sa kanila ng PTV4,” ani Topacio sa panayam sa radyo.
Patuloy rin aniyang naninindigan ang magkakapatid na Tulfo na walang iregularidad at malisya sa naturang ad placement at ang gagawin nilang pagsasauli ng salapi ay pagpapakita ng ‘good faith’ at ‘goodwill.’
“As a gesture of good faith and goodwill, and to show na wala po silang malisya dito sa ad placement, ay ibabalik na po nila ‘yong pera as soon as possible,” ani Topacio.
Nauna rito, inakusahan ng mga kritiko ang magkakapatid na Tulfo na ginawang family business ang DOT matapos na ibunyag ng Commission on Audit (COA) na nagbayad ang departamento ng P60 milyong halaga ng advertisement sa kanilang programang ‘Kilos Pronto,’ na produced ng Bitag Media Unlimited Inc., at block-timer sa government station.
Iginigiit naman ni Teo na walang conflict of interest sa naturang isyu dahil ang kontrata ay sa pagitan ng PTV4 at ng DOT lamang.
Ang PTV4 din aniya ang nagpasyang ilagay ito sa programa ng kanyang mga kapatid dahil sa mataas na rating nito.
Nanindigan naman ang Tulfo brothers na ang ad deal ay ‘above board’ at may pinirmahan silang kontrata. ARHernandez
Comments are closed.