P600-K PABUYA VS KILLERS NG KAGAWAD

HANDANG magbigay ng pabuyang P600-K ang pamahalaang lokal ng Valenzuela City sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga suspek na sangkot sa pagpatay sa isang barangay kagawad.

Kinilala ng Valenzuela City Police Station (VCPS) ang dalawang salarin na sina Tito Santiago Salibio alyas “Tito” at Carlito Mansueto Abalos alyas “Andy” na umano’y mga hired killer na kapwa may patong sa ulo na P300,000 ang bawat isa.

Sa kuwento ng kasama ng biktima na si Edwin, habang sakay ng tricycle si Alexander Liwanag Joseph, 49-anyos, Kagawad ng Brgy., Canumay East, Valenzuela City patungo sa isang school graduation ceremony dakong alas-6:40 ng umaga nitong Hunyo 29 nang tutukan ito ng baril ng mga suspek kaya tumakbo ang biktima subalit hinabol siya ng mga salarin at nang makorner ay binaril siya ng ilang beses sa katawan.

Matapos nito, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Marton Street habang isinugod naman ang biktima sa Valenzuela Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival.

Natagpuan ng mga imbestigador ang motorsiklong ginamit ng mga suspek bilang escape vehicle na nakaparada sa Barangay Tañong, Malabon City kung saan narekober ang ilang IDs sa loob ng compartment kabilang ang voter’s ID at Barangay ID ng isang Tito Santiago Salibio at certificate of registration ng nasabing sasakyan.

Sa patuloy na imbestigasyon, isang Michael Lagoc Tamayo Jr. ang inaresto sa pamamagitan ng testigong si Allan.

Si Tamayo ang naghanda ng escape vehicle na ginamit ng mga suspek matapos patayin si Joseph kung saan inamin nito na nakasama pa siya sa ocular na ginawa ng mga suspek sa pinangyarihan ng krimen bago ang insidente. VICK TANES