SARANGANI PROVINCE- TINATAYANG aabot ng higit sa kalahating milyong pisong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)sa lalawigang ito kamakailan.
Sa ulat ng PCG-Western Sarangani, nitong Mayo 6 nang nasabat nila sa karagatan sa may Barangay Taliac, Maasim, Saranggani ang bangka na mula pa sa Tinakarang, Marore Island sa Indonesia.
Nadiskubre sa loob ng bangka ang 20 kahon ng sigarilyo na iligal na ipinasok sa bansa.
Inindorso na ang mga ito sa Bureau of Customs para sa tamang disposisyon nito.
Lulan ng bangka ang dalawang Indonesians na kinilalang sina Fadli Machamud at Fajar Antanari.
Makaraang isailalim sa inisyal na imbestigasyon at medical check-up, dinala ang mga Indonesians sa Maasim Police Station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. PAUL ROLDAN