NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang target na koleksyon ng kita para sa Enero hanggang Agosto 2024.
Ayon sa paunang ulat, nakalikom ang ahensya ng kabuuang P614.781 bilyon sa nasabing panahon, na lumampas sa target na P609.592 bilyon ng 0.9% o PhP5.189 bilyon.
Tumaas ang kanilang kita ng 5.7% o P33.290 bilyon kumpara sa P581.491 bilyon na nakolekta noong 2023.
Ang paglago ng kita ay dahil sa mabisang mga estratehiya ng BOC sa pagtatasa ng halaga ng mga kalakal at pagtiyak ng tamang pagsusuri sa buwis sa pag-aangkat.
Sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa customs compliance, matagumpay na nabawasan ng BOC ang under-declaration at maling klasipikasyon na nagpatibay sa kahusayan at transparency ng ahensya.
Nitong Agosto 2024, nakalikom ang BOC ng P78.908 bilyon bagama’t ito ay 2.52% na kulang sa target na P80.945 bilyon, ito ay dulot ng mga kamakailang pagbabago sa polisiya.
Ang Executive Order (EO) 62 na nagbaba ng taripa sa bigas mula 35% patungong 15% ay nagresulta sa pagkawala ng kita na P2.353 bilyon.
Dagdag pa rito, ang pagbawas sa taripa ng mga sasakyan patungong 0% ay nagdulot ng deficit na P1.034 bilyon.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang BOC sa layunin nitong maabot ang mga target na kita para sa 2024.
Nakahanda ang BOC na ipagpatuloy ang mataas na revenue collection sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
RUBEN FUENTES