P628-M PINSALA NG BAGYONG JOLINA SA AGRIKULUTURA

NASA mahigit P628 mil­yon ang tinatayang halaga ng pinsala sa agrikultura habang patuloy pa rin ang ginagawang assesment ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga nawasak na imprastraktura matapos ang pananalasa ng Bagyong Jolina sa bansa.

Ito ay kasunod din ng isinagawang aerial inspection ng Philippine Air Force (PAF) hinggil sa lawak ng naging pinsala ng nagdaang bagyo.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, anim na rehiyon sa bansa ang lubhang nasa­lanta ng bagyong Jolina kabilang ang  Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 5, Region 6 at Region 8.

Sa inilabas na Situational Report ng NDRRMC lumilitaw na Region 5 ang nagtamo ng pinakamala­king danyos sa agrikultura na umaabot sa higit P110 milyon ang halaga ng nawasak partikular ang fishe­ries sector na siyang ang lubhang tinamaan.

Sa infrastructure sector naman, nasa mahigit P57 milyon ang nasira mula sa apat na rehiyon. Ito ay ang Calabarzon, Mimaropa, Region 5 at Region 6.

Umabot naman sa kabuuang 8,925 kabahayan ang nasira mula sa limang rehiyon kung saan 8,492 ang partially damage habang 432 ang totally da­maged.

Kinumpirma ng NDRRMC na may tatlong tao ang nasawi, apat ang nawawala at 19 ang sugatan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Subalit, kasalukuyan pa rin umanong beneberipika at bina-validate ang 14 reported death, 3 missing at 5 injured. Sa ngayon nasa 81,048 pamilya o nasa 313,373 indibidwal ang naapektuhan sa Bagyong Jolina at kasalukuyang nanunuluyan pa rin sa ibat ibang evacuation centers.

Samantala,nasa 1,231 families o 3,657 katao naman ang kinailangan ilikas sa ilang bahagi ng hilagang Luzon bunsod naman ng paghagupit ng Typhoon Kiko partikular ang lalawigan ng Batanes.

Kaugnay nito, nag­deploy ang PAF ng kanilang mga disaster response team para tumugon at tumulong sa mga kababayan naapektuhan ng Bagyong Jolina at Kiko.

Ayon kay PAF Spokesperson Lt.Col. Maynard Mariano, nakaalerto at nagsasagawa ng rescue and evacuation operations ang Disaster Response Teams ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon partikular sa mga apektadong residente.

Sinabi pa ni Mariano, gumawa rin ng Rapid Da­mage Assessment and Needs Analysis ang PAF Huey II Nr 662 sa mga apektadong lugar sa Burias Island, Masbate City kasama ang ilang tauhan ng Office of Civil Defense Region 5.

Nagsagawa rin ang na­sabing helicopter ng Search, Rescue and Retrieval Ope­rations sa coastal areas ng Paguiranan, Balud, at Asid Gulf sa Masbate  para sa apat pa na mga mangingisda na nawawala hanggang sa ngayon. VERLIN RUIZ

One thought on “P628-M PINSALA NG BAGYONG JOLINA SA AGRIKULUTURA”

Leave a Reply

Your email address will not be published.