KUNG kaya o afford ng isang indibidwal na gumastos na P64 kada araw para sa tatlong meals, hindi maituturing na food poor.
Ito ang naging pahayag ni National Economic Development Authority Secretary Arsenio Balisacan sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Senado kamakailan.
Sinabi ng Socio-Economic Planning secretary na nangangahulugan itong hindi pa maituturing na mahirap ang P64 na tatlong meal ng isang tao o P320 kada araw para sa limang miyembro ng isang pamilya.
Batay naman ito, ayon kay Balisacan sa kanilang pag-aaral noong isang taon.
Sinuportahan naman ng Philippine Statistics Administration (PSA) ang nasabing pahayag ni Balisacan dahil sila ang katuwang ng NEDA sa nasabing pag- aaral.
Sa katunayan, ipinabatid ni Bernadette Balamban, Chief Statistical Specialist, Poverty And Human Development Statistics Division ng PSA na ang pinagbasehan nila ay mga presyo ng bilihin noong isang taon.
Ayon kay Balamban, ibinase nila ang nasabing computation, unang-una sa inihandang menu ng Food and Nutrition Research iInstitute na titiyak sa lahat ng kailangang nutrisyon ng katawan.
Bawat isa aniyang food item na bahagi ng menu ay tinapatan nila ng karampatang presyo kaya’t lumabas ang P64 na gastusin ng isang indibal sa tatlong major meals kada araw.
Nilinaw ni Balamban na ang P64 pesos na tinutukoy na food threshold ay national average subalit iba iba ito sa buong bansa.
Hindi lamang naman pagkain ang pinaglalaanan ng mga Pilipino dahil ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa ay dapat isaalang-alang ang bayad sa bahay, tubig, kuryente, pamasahe at iba pang gastusin.
Iginiit ni Africa na kulang na kulang ang P64 na budget sa pagkain sa buong araw para sa isang tao.
Common sense na rin aniya ang magdidiktang hindi na kailangang ipagmalaking nababawasan ang kahirapan sa bansa gayung mababa ang mga pamantayang sinusunod.
Para naman sa SIYASAT Team, dapat na maging makatotohanan naman ang gobyerno sa pagpapalabas ng mga impormasyon at datos partikular kung may kinalaman sa estado ng buhay o pamumuhay ng mga Pilipino.
Higit sa lahat, dapat na patuloy na kumilos ang gobyerno para maging abot-kamay ng mga Pilipino ang presyo partikular ng mga pangunahing bilihin.
o0o
Para sa patas na pagtalakay, patuloy na nakikipag-ugnayan ang SIYASAT Team ng DWIZ 882 sa mga kinauukulan pang ahensya ng gobyerno upang higit na malinawan ang issue.