CEBU- NASAMSAM ng mga anti-drug operatives ang P68 milyong halaga ng shabu sa inilunsad na operasyon na humantong sa pagkakaaresto sa isa umanong “bodegero” at kapatid nito sa lalawigang ito.
Batay sa report ng pulisya, ang mga suspek ay kinilalang sina Jaime Dajao, 47-anyos na kalalabas lang sa kulungan dalawang buwan pa lang ang nakakaraan at naarestong muli sa Barangay Carreta kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Roberto, 53-anyos na nasamsaman ng 10 kilo ng shabu.
Base sa pahayag ng Regional Police Drugs Enforcement Unit-7 na inilunsad ang sting operation matapos lumabas ang mga pangalan ng mga suspek sa intelligence report na malaking supply ng shabu mula sa labas ng Visayas ang nailipat sa Bohol province.
Nakipagtransaksyon ang magkapatid na Dajao sa isang poseur buyer sa tabi ng Carreta Cemetery sa kahabaan ng A. Soriano Avenue sa nabanggit na lungsod.
Pansamantalang nakakulong ang magkapatid sa Camp Sergio Osmeña Sr. habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA