P69.35-M PARTY DRUGS NA ITINAGO SA PET FOOD NASAMSAM

NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat na indibidwal matapos tangkaing ipuslit ang multi-milyong halaga ng ecstacy na inilagay sa kargamento ng pet food.

Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon ay nangyari sa Mail Exchange Center sa Domestic Road, Pasay City at pansamantalang hindi pinaabanggit ang mga pangalan ng mga suspek habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon upang alamin kung saan galing ang naturang mga droga.

Nasamsam ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IDITG) kamakalawa ng hapon nitong Lunes, ang nasa 40,200 Ecstacy pills na nakalagay sa mga plastic bag at idineklara bilang “dog food” at “kitten food.”

Ang mga nasamsam droga ay may street value na P69.35 milyon kasabay ng pagkakakumpiska rin sa mga cellphone at identification cards mula sa mga suspek na nagtangkang magpick-up ng kargamento.

Nahaharap ang apat na suspek sa paglabag sa Article II ng RA 9165. EVELYN GARCIA