P694-B OFFSHORE WIND PROJECTS INENDORSO PARA SA GREEN LANE

BINIGYAN ng Board of Investments (BOI) ng green lane status ang Buhawind Energy Philippines (BEP) para sa halos P700-billion na halaga ng offshore wind power projects nito na may target installed capacity na 4,000 megawatts (MW) o 4 gigawatts.

Sa isang statement noong Miyerkoles, sinabi ng BOI na ginawaran ng One-Stop Action Center for Strategic Investments (OSACSI) nito ng Green Lane Certification ang tatlong offshore wind power projects ng BEP na malapit nang mag-operate sa Northern Luzon, Northern Mindoro, at East Panay.

Ang 1.980 gigawatt (GW) Northern Luzon Offshore Wind Power Project sa Ilocos Norte ay nakatakdang magsimula ang operasyon sa 2030; habang ang 990-GW Northern Mindoro Offshore Wind Power Project ay susunod sa 2031.

Nakatakda namang magsimula ang 990-GW East Panay Offshore Wind Power Project ng BuhaWind Energy East Panay Corp. sa mga lalawigan ng Iloilo at Guimaras sa 2033.

Ang tatlong offshore wind power projects ay may kabuuang investment na P694 billion.

Ang pagkuha ng green lane status ay nagpapabilis sa permit at license issuance, kabilang ang pagresolba sa strategic investment issues.

Noong Pebrero ng nakaraang taon ay inilabas ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 18 na nag-uutos sa paglikha ng green lanes bilang bahagi ng pagsisikap na mapadali ang pagnenegosyo at maisulong ang strategic investments.

Ayon sa BOI, ang mga proyekto ng BEP ay inaasahang lilikha ng mahigit 50,000 trabaho “mula construction hanggang operation.”

Ang BEP, isang joint venture sa pagitan ng Yuchengco-led PetroGreen Energy Corporation (PGEC) at ng Denmark’s Copenhagen Energy (CE), ay pinagsasama ang extensive expertise sa Philippine energy market at international offshore wind development experience.

Samantala, sinabi ng kompanya na inaasahan nito ang episyenteng koordinasyon sa iba’t ibang national agencies at local government units (LGUs).

“We thank the BOI for awarding us with Green Lane Certificates for our three offshore wind power projects and recognizing our commitment and efforts to drive progress in the Philippines through offshore wind energy,” sabi ni BEP chair Jasmin Bejdic.

Hanggang Nov. 14, 2024, sinabi ng BOI na ang One-Stop Action Center for Strategic Investments nito ay nakapagsertipika na ng kabuuang 167 projects na nagkakahalaga ng P4.457 trillion.